Kilalanin ang Anak ng Isang OFW na Kauna-unahang Pilipino na Naging Mayor sa England

Tunay nga na kahit sa anumang larangan ay maipagmamalaki ang galing ng mga Pilipino. Isa na namang inspirasyon at kapupulutan ng aral ang kwento ng isang anak ng OFW na kauna-unahang Pilipino na naging Mayor sa England.




Ngunit, paano nga bang ang isang anak ng OFW ay naging matagumpay sa buhay at naging isang mayor sa ibang bansa? Alamin natin ang kahanga-hangang kwento ng Pilipinong ito na naging mayor sa England.

Photo credits: Cynthia Barker | Twitter

Hindi naman talaga madali ang maging isang OFW lalo na’t lungkot at pangungulila sa pamilya ang kapalit ng pagtatrabaho sa ibang bansa bilang OFW. Ngunit, ang pagiging OFW ng kanyang ina ang pinanghugutan ng lakas ng unang Pilipinong naging mayor sa England. Ang kahanga-hangang Pilipino na ito na ipinagmamalaki ng mga Pinoy ay si Cynthia Alcantara Barker na tubong San Pablo, Laguna na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipino nagwagi sa eleksiyon bilang Mayor ng bayan ng Hertsmere, Hertfordshire sa England.

Noong June 28, 2015 nga sa inilathalang written piece ni Amyline Quien Ching ng Philippine Panorama, isinaad ang point of view ni Mayor Cynthia na

“The least we can do, as their [OFWs] children, is to make sure that we do lead better lives”

at kasabay nito ang kahanga-hangang kwento ng buhay niya sa tinatamasang tagumpay.

Ayon nga sa written piece, siyam na taong gulang pa lamang noon si Cynthia nang magpasya ang kanyang ina na si Nelia Bartolome na isang guro na magtrabaho sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan nilang magkakapatid. Katuwang naman ng ina niya ang kanyang amang si Romeo Alcantara na isa ring guro. Ang ama nga ni Cynthia ang siyang naiwan sa kanilang tahanan upang mag-asikaso sa kanilang magkakapatid. Habang wala ang kanilang ina ay lumaki silang magkakapatid na disiplinado kung saan ay may nakatakdang oras ang bawat gawain, katulad ng sabay-sabay kumain sa hapag pagsapit ng alas singko. Naglalaan rin ng oras ang kanilang ama, upang turuan sila sa kanilang mga takdang aralin pagsapit naman ng alas sais ng gabi.




Ang ina ngang si Nelia ay nagtungo sa United Kingdom upang magtrabaho bilang isang kasambahay. At upang mas malaki ang kitaan ng kanyang ina, ay kumukuha pa ito ng part time na trabaho. Hindi naman naging madali para kina Cynthia ang mawalay sa ina dahil tanging sa sulat na lamang nila nakakamusta ang kalagayan nito at kailangan nilang maghintay ng apat na taon upang muli itong makita.

Kaya naman, sa tuwing may dumarating na sulat ay hindi nila sinasayang ang pagkakataon na matugunan rin ang bawat kahilingan ng kanilang ina. Maliban nga, sa kanilang mga pangangailangan, ay masaya ring ibinabalita ng magkakapatid ang kanilang kasipagan sa pag-aaral. Ang bawat sulat nga ang naging inspirasyon ng magkakapatid upang masuklian ang sakripisyo ng kanilang ina sa ibang bansa.

Hindi nga matatawaran ang sakripisyo ng mga magulang ni Cynthia para sa kanilang magkakapatid. Kaya naman, bilang ganti ay nagsumikap sila sa pag-aaral upang makapagtapos. At lahat nga ng hirap at sakripisyo ng kanilang mga magulang ay kanilang nasuklian dahil lahat sila ay nagkaroon ng magandang buhay.

Ayon nga sa article ng The FilAm, ang pangatlo sa magkakapatid na si Mayor Cynthia ay nakapagtapos ng kursong industrial engineering sa Adamson University sa Manila. Ang panganay sa magkakapatid ay retired civil engineer sa California, ang pangalawa ay immigration adviser at journalist sa London, at ang kanilang mga nakakabatang kapatid ay senior healthcare worker sa London, at senior nurse sa California.

Samantala, taong 1983 naman nang magtungo na si Mayor Cynthia sa London matapos isama ng kanyang ina upang doon na manirahan. Nagsimula nga siyang magtrabaho sa British Council kung saan nagpapaabot ng tulong sa mga scholar. Matapos nga nito ay nagtrabaho naman siya bilang manager ng iba’t ibang kompanya na may kaugnayan naman sa immigration law practitioner.

Kahit na nakapagtapos na ng pag-aaral sa Pilipinas ay muli siyang nag-aral sa University of Hertfordshire upang mas lalo pang mapalawak ang kanyang kaalaman. At ang huli ngang kursong kinuha ni Mayor Cynthia ay leadership development course sa Blavatnik School of Government, Oxford University.

Nagsimula na nga siyang lumahok sa mga charity at volunteer work sa kanilang kumonidad at dito na nga napansin ang kanyang kabutihan at pagiging matulungin sa kapwa kaya naman ay nagustuhan at inalok siya ng Conservative Party upang maging bahagi ng kanilang partido. Hindi naman nabigo ang mga ito, dahil nga pinatunayan ni Mayor Cynthia na tunay nga siyang karapat-dapat maging Mayor.




Ayon nga sa Filipino Guide, si Mayor Cynthia ay mahigit 29 taon nang naninirahan sa Hertsmere. At sa posisyong itinalaga para sa kanya ay umaasa siya na matugunan ng pansin ang pondo para sa National Society for the Prevention of Cruelty to Children.

Tunay nga na napakalayo na ng tagumpay na narating ni Mayor Cynthia at halos hindi pa rin siya makapaniwala sa tinatamasa niyang tagumpay.

“I still pinch myself sometimes, unable to believe how far I have come.”


Source: Ptama

Post a Comment

0 Comments