Silipin ang mga Kahanga-hangang Koleksiyon at Kinahihiligan ng mga Sikat na Artistang ito

Maliban nga sa talento at hilig sa pag-arte ng mga iniidolo nating artista sa showbiz, ay may mga bagay rin silang kinahihiligan na kanilang nagiging libangan at naghahatid kaligayahan sa kanila. Ito nga ang kanilang mga koleksyon ng mga paborito nilang bagay katulad na lamang ng laruan, bag, sapatos o kaya naman ay mga kakaibang bagay na kanilang kinahihiligan.




Marami na nga sa mga iniidolo nating artista sa showbiz ang nagbahagi ng kanilang mga koleksyon na napanood natin sa Kapuso lifestyle show na ‘Power House ‘ at ‘Tunay na Buhay’ na maaari nating maging inspirasyon sa pagsisimula sa pangongolekta ng mga nais nating bagay.

Silipin ang mga kahanga-hangang koleksyon ng mga artistang ito na nagsisilbi nilang libangan at kaligayahan habang abala sa kanilang karera sa showbiz.

Alden Richards

Ang Pambansang Bae na si Alden Richards bagama’t abala sa showbiz ay naglalaan siya ng oras sa pangongolekta ng paborito niyang superhero na si Iron Man. Makikita nga sa koleksyon ni Alden ang iba’t ibang laking Iron Man. Hindi rin mawawala sa kanyang koleksyon ang life-size figure ni Iron Man na maihahalintulad ang laki sa kanyang katawan.

Ashley Ortega

Ang Kapuso Actress na si Ashley Ortega ay minsan nang ipinasilip sa Tunay na Buhay ang kanyang nakakalula sa daming koleksyon ng Barbie Doll. Ang kauna-unahan nga sa koleksyong Barbie Doll ni Ashley ay bigay umano ng kanyang ama noong kaarawan niya. Hindi na nga halos mabilang ni Ashley kung ilang piraso na ng barbie doll na mayroon siya dahil sa dami nito.

Ngunit, ang huli niyang pagkakaalala ay nasa 89 piraso na ang mga ito. Natigil naman ang pangongolekta ng aktres ng mga Barbie Doll dahil umano sa mahirap ng makakita ng limited edition na Barbie Doll sa mga department store.




Denise Trillo

Hunk na hunk mang tingnan ang aktor na si Denise Trillo ay hindi naman maikakaila na malaki ang interes niya sa pangongolekta ng mga bagay na nagbibigay sa kanya ng kaligayahan. Hindi lamang isa, kundi apat na bagay ang kinokolekta ng aktor. Kabilang na nga rito ang action figures at UFC ultimate collector’s series.

Maging ang laruang Lego Minifigures of The Ninja Turtles, The Avengers, The Simpsons, Batman, Spider-Man, at Deadpool ay mayroon ring koleksyon ang aktor. Hindi naman maikakaila na malaki ang hilig ni Denise sa musika, walang duda na napakahusay niya umawit at gumamit ng drums. Hilig nga ni Denise ang makinig sa musika gamit ang cassette tapes na usong-uso noong dekada 90 na kabilang rin sa koleksyon niya.

May koleksyon rin ng mga CD ang aktor at itinuturing niya nga itong “precious metals.”

Heart Evangelista

Ang fashionista na si Heart ay malaki naman ang kinalaman ng kanyang mga koleksyon sa pagkahilig niya sa fashion. Ito nga ay ang mga kahanga-hangang koleksyon niya ng Hermes scarves at twillies. At ang ilan nga sa mga ito ay regalo sa kanyang birthday at bigay ng mga kaibigan niya tuwing Pasko. Malaki rin ang pagkahilig ni Heart sa mga nude shoes dahil sa madali umano itong ipares sa kahit anong kasuotan.

Kiray Celis

Sa simula’t sapul ay malaki na talaga ang pagkahilig ng aktres na si Kiray sa cartoon character na si Spongebob. Ang kwarto nga ng aktres ay halos mapuno na ng imahe ni Spongebob, magmula sa kama, cabinet, disenyo ng kwarto at salamin ay pawang mga Spongebob. Ito nga ang dream room ni Kiray na matagal na niyang inaasam. Maging noong nakaraan na nagdiwang siya ng kanyang kaarawan ay umaapaw rin sa Spongebob cake ang kanyang selebrasyon.




Nicole Hyala

Kamangha-mangha naman ang napakagandang Hello Kitty House na pagmamay-ari ng Radio DJ at Vlogger na si Nicole Hyala. Dahil nga sa malaki ang pagkahilig ni Nicole sa pangongolekta ng Hello Kitty ay nakabuo na siya ng isang Hello Kitty House. Bawat sulok ng kanyang tahanan ay punong-puno ng kagamitang Hello Kitty. Magmula nga sa living room, kusina, bedroom, at closet ay purong Hello Kitty ang makikitang disenyo at kagamitan. Hindi rin siyempre mawawala ang life-size figure na Hello Kitty na bubungad sa mga bisitang dadalaw sa kanilang tahanan kung saan ay nakapwesto sa pintuan ng bahay.


Source: Ptama

Post a Comment

0 Comments