Malayo man ang biyahe ng Pambansang Bae na si Alden Richards patungo sa kanyang trabaho sa dating studio ng Eat Bulaga sa Broadway Centrum sa New Manila, Quezon City mula sa kanilang tahanan sa Laguna, ay hindi alintana ng aktor ang 2 oras na biyahe, makauwi lamang sa kanilang bahay pagkatapos ng nakakapagod na trabaho.
Samantala, nang malipat naman sa bagong studio ang Eat Bulaga sa APT Studios sa Marcos Highway sa Cainta, Rizal noong 2018, ay sa Laguna parin umuuwi si Alden at hindi naging hadlang sa aktor ang mas malayong biyahe.
Tunay nga nito na isang Laguna boy si Alden at walang makakahadlang pa na umuwi sa kanyang mahal na tahanan. Sa panayam nga sa aktor sa YES! Magazine, sinabi ng aktor na sanay na siyang umuwi ng bahay hangga’t kaya niya.
“Sanay na ako e. Kung kaya ko makauwi ng bahay, I will go home.”
Napakasarap naman talagang umuwi sa sariling bahay na nagbibigay ng kapanatagan at kapayapaan upang makapagpahinga ng maayos pagkatapos ng nakakapagod na trabaho.
Matatandaan na noong 2014 nang makabili ng 300-square-meter house-and-lot ang aktor sa Laguna kung saan ay pinili ang isang napakagandang bahay na tila isang tower. Mas pinili nga ni Alden ang magkaroon ng kakaibang disenyo ng bahay na mas pinaganda ng modernong disenyo. Bagama’t, nagkaroon ng renovation ang nabiling two-storey house ng aktor, tanging ang interior lang ng naturang bahay ang ipinaayos niya.
“Gusto ko rin i-maintain yung tower, para pag tinanong nila [ng mga tao], ‘Saan ba yung bahay mo?’ sasabihin, ‘Hanapin niyo yung bahay na may torre, muhkang tower siya.’”
Pagpasok nga sa napakagandang bahay ni Alden ay sasalubong agad ang malinis at maaliwalas na kapaligiran na kung saan ay may modernong disenyo.
Una pa lang nga, ay nais na ng aktor na maging maluwag ang bawat silid ng kanyang tahanan, lalo na ang kusina dahil ang kanyang Lola Linda bagama’t matanda na, ay hilig parin nito ang pagluluto. Ayon pa nga sa aktor, ay mas nais niya na malayang nakakagalaw ang kanyang pamilya sa loob ng kanilang tahanan.
Sa 2nd floor naman ng bahay, matatagpuan ang mga silid ng kanilang pamilya pati na rin ang silid ni Alden. Sa silid nga ng aktor, masisilayan ang kalinisan at napakalawak na espasyo. Kapansin-pansin naman ang naglalakihang superhero collection ni Alden ng Iron Man. Labis nga ang paghanga ni Alden kay Robert Downey Jr. na gumanap bilang Iron Man, at magmula nang makita ito, ay naging hilig na niya ang pangongolekta ng Iron Man.
“Ewan ko nga, basta na-in-love na ako kay Iron Man since I saw Iron Man na si Robert Downey Jr. ang gumanap.”
Makikita rin sa loob ng silid ni Alden ang Our Lady of Lourdes statuette, na pagmamay-ari naman ng kanyang ina.
May nagsisilbi ring veranda ang napakagandang bahay ni Alden kung saan sila nakakapag-relax habang nakatanaw sa magandang tanawin. Kapansin-pansin naman ang isang altar kung saan inilaan para sa yumao niyang inang si Rosario Faulkerson.
Hindi rin syempre mawawala ang isang estante kung saan maayos na nakadisplay ang mga parangal ng aktor na nagpapatunay ng matagumpay niyang karera.
Talaga nga namang malayo na ang narating na ni Alden, kitang-kita naman ito sa bahay na bunga ng kanyang sipag at tiyaga. At ang bahay nga na kanyang naipundar, ay ang nag-iisa niyang tahanan kasama ang kanyang pamilya.
Ayon nga kay Alden, “Moving into the city was never an option. The south will always be home for me,” patunay lamang nito na ang puso ng aktor ay mananatili sa lugar kung saan nakatayo ang kanyang bahay na bunga ng kanyang pagsisikap.
Bagama’t, balak rin ng aktor na bumili at magpagawa ng kanyang dream house, ang bahay na nagsisilbing tahanan ng kanyang pamilya ay sapat na upang sama-sama at masaya mamuhay bilang isang pamilya.
Source: Ptama
0 Comments