Marami nga sa atin ang naghahangad na makapagtapos ng pag-aaral dahil naniniwala tayo na ito ang magsisilbing daan upang mabago ang ating buhay. Kaya naman, gaano man kahirap ang buhay ay marami ang nagsusumikap sa atin na matupad ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Malaking tulong rin sa mga kapos-palad at nagnanais na makapag-aral ang mga proyektong naglalayon at sumusuporta sa edukasyon. Katulad na lamang ng inilunsad na “Project Malasakit” ng broadcaster at journalist na si Kara David.
Dahil nga sa proyekto ni Kara ay nakagraduate na ang tatlong anak ng kanyang yumaong kaibigan na si Cesar Apolinario. Matatandaan na noong pumanaw si Cesar noong Disyembre ng nakaraang taon, ay si Kara ang umako sa pagpapaaral sa mga anak ng kaibigan. Ang mga anak nga ni Cesar na sina Remus Cesar, Sofia Ysabell at Athea Joyce ay kinuhang scholar ni Kara sa kanyang “Project Malasakit”.
At ngayon nga, ay nagbunga na ang kasipagan ng mga anak ni Cesar sa pag-aaral dahil nakagraduate na ang mga ito, at with honors pa. Tiyak na masayang-masayang si Cesar sa tagumpay na nakamit ng kanyang mga anak.
Ang magandang balitang hatid ng mga anak ni Cesar, ay masayang ibinahagi ni Kara sa Instagram, kalakip ang mga larawan ng mga scholar na may ngiti sa mga labi.
“Cesar Apolinario’s kids graduate with honors. Very proud of our Project Malasakit scholars Remus, Sofia, and Athena Apolinario who all graduated with honors this year at Eastern Star Academy. Congratulations! Cesar must be smiling in heaven,”
caption ng broadcast-journalist sa kanyang post.
Samantala, proud na proud naman ang Kapuso actor-comedian na si Kevin Santos sa panibagong achievement na kanyang nakamit. Maliban kasi sa pagiging isang licensed pilot, ay nakapagtapos rin siya ng isa pang kurso sa Arellano University. Matagumpay ngang nakagraduate si Kevin sa kanyang kinuhang kurso na Political Science. Ngunit, higit namang nakakabilib ang pagsusumikap ni Kevin sa pag-aaral dahil natapos niya ang kurso bilang Cum Laude.
Hindi nga matawaran ang kaligayahan ng aktor sa bagong tagumpay na kanyang nakamit sa buhay niya. Bagama’t, walang naganap na graduation dahil nga sa kumakalat na sakit na COVID-19, masaya pa rin niyang ibinahagi sa kanyang social media account ang kanyang nakamit na tagumpay na bunga ng kanyang pagsisikap sa pag-aaral.
“Sa lahat ng pagod at hirap… SA WAKAS!!! Ito na ang pinakamalaking maireregalo ko sa magulang ko hindi man ako nakasampa at nakasuot ng toga, okay lang importante hawak ko ang diploma. At as per registrar, pasok as cum laude ang grades ko! So waiting,”
caption ng aktor sa kanyang post.
Source: Ptama
0 Comments